UnofficialOfficial site ↗ReportFeedback

Palasyo, tiniyak ang kahandaan ng pamahalaan sa Super Typhoon Rosal

PCO · Oct 21, 2026 12:00:00 AM

Detalye ng ulat

Tiniyak ng Malacañang nitong Miyerkules na nakahanda ang mga ahensya ng pamahalaan sa posibleng epekto ng Tropical Cyclone Rosal na inaasahang lalakas at magiging isang super typhoon.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nag-ugnayan na ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at naghanda ng mga kinakailangang hakbang upang matugunan ang mga panganib na maaaring idulot ng paparating na bagyo.

“Ang DSWD (Department of Social Welfare and Development), ang DPWH (Department of Public Works and Highways), ang DENR (Department of Environment and Natural Resources), lahat ng ahensiyang concerned, pati po ang DOH (Department of Health) handa po sila sa mga ganitong kondisyon at sitwasyon,” ayon kay Castro.

Batay sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang bagyong Rosal na may international name na Champi sa layong 845 kilometro silangan ng Northern Luzon.

Taglay ng bagyo ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 215 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 265 kilometro kada oras na kinu-konsiderang pinakamalakas na tropical cyclone na naitala sa bansa.

Inaasahan ng PAGASA na mananatili sa lakas na super typhoon ang Rosal sa susunod na 24 oras bago posibleng humina at maging typhoon pagsapit ng Huwebes ng hapon.

Inaasahan ding kikilos ang bagyo pahilagang-kanluran sa Philippine Sea hanggang Biyernes at lalabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa gabi ng Biyernes o madaling-araw ng Sabado.

Dahil dito, hinihimok ng mga awtoridad ang mga residenteng nakatira sa mga lugar na posibleng maapektuhan na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga abiso habang patuloy na binabantayan ng pamahalaan ang galaw at lakas ng bagyo.

Samantala, sinabi ni Castro na pinag-aaralan pa ng Malacañang ang panukala ng Department of Labor and Employment (DOLE) na gawing batayan ang heat index na 40 degrees Celsius sa posibleng pagsususpinde ng trabaho kasunod ng mga pangamba sa matinding init na kaugnay ng El Niño. | PND

Related

  • →Palace assures gov’t readiness for Super Typhoon Rosal
  • →PAGASA: Maghanda sa matinding init sa mga susunod na buwan
  • →Inilagay ni Pangulong Marcos sa full alert ang pamahalaan habang lumalakas ang Bagyong Uwan sa may Hilagang Luzon
Palasyo, tiniyak ang kahandaan ng pamahalaan sa Super Typhoon Rosal | eGovPH (unofficial RE:GOV concept) · RE:GOV