UnofficialOfficial site ↗ReportFeedback

Unang Ginang, naghatid ng pag-asa at kalayaan sa mga PDL sa pamamagitan ng “Same Day Laya” program

Mula sa PCO · Nailathala noong Oct 21, 2026 · Pagbisita ni First Lady Louise Araneta-Marcos sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City

Larawan ng pagbisita ni First Lady Louise Araneta-Marcos sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City. Makikita ang First Lady na nakikipagkamay sa mga person deprived of liberty (PDL) na nakaputi, kasama ang mga opisyal ng Bureau of Corrections sa harap ng backdrop na may pamagat na Kulay, Kalinga, Katarungan, at Kalayaan.

Image on the original site · transcribed

Detalye ng balita

Naghatid ng panibagong pag-asa at hindi inaasahang pagkakataon na makalaya ang isang person deprived of liberty (PDL) sa pagbisita ni First Lady Louise Araneta-Marcos sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City nitong Martes, kasabay ng pagpapatupad ng programang “Same Day Laya.”

Hindi napigilan ng PDL na si “Jose” na mapaiyak matapos malaman na makakalaya siya at makakabalik sa malayang buhay matapos suriin at iproseso ang kanyang mga dokumento ng mga boluntaryong abogado sa pagbisita ng Unang Ginang.

Sa isang madamdaming tagpo, personal na iniabot ng First Lady kay Jose ang isang puting T-shirt bilang pamalit sa asul na damit na suot niya bilang PDL na sumisimbolo sa kanyang paglaya at bagong pagsisimula.

Lalong naging emosyonal si Jose nang yakapin siya ng Unang Ginang, na hindi rin napigilang maiyak.

Kabilang si Jose sa mga nakinabang sa inisyatibo ng First Lady na naglalayong magbigay ng mga oportunidad sa kabuhayan, serbisyong medikal at legal assistance sa mga PDL upang mabigyan sila ng pag-asa para sa mas magandang kinabukasan.

Sa ilalim ng naturang programa, 43 na PDL ang nakalaya nitong Martes, habang pinoproseso naman ang mga dokumento ng mahigit 1,000 iba pa para sa posibleng paglaya sa mga susunod na linggo pagkatapos masuri ang kanilang mga dokumento.

Mahigit 200 boluntaryong abogado at kinatawan ng iba’t ibang organisasyon ang lumahok sa inisyatiba upang suriin ang mga kaso at magbigay ng legal assistance sa mga PDL.

Sa kanyang mensahe, hinikayat ng First Lady ang mga PDL na huwag mawalan ng pag-asa sa kabila ng kanilang sitwasyon.

Binigyang-diin ng Unang Ginang na bagama’t hindi na mababago ang kanilang nakaraan, may pagkakataon pa silang bumuo ng mas magandang kinabukasan.

“Hindi po natin mababago ang kahapon, pero marami pa tayong maaaring gawin para sa bukas. Huwag po nating kalimutan, mahirap man ang daan, dapat sama-sama tayo. Sama-sama tayong babangon. Sama-sama tayong uusad,” pahayag ng Unang Ginang. | PND

Kaugnay na balita

  • →Champion of PDL reformation: First Lady spearheads painting activity at NBP
  • →First Lady's Bilibid visit brings hope, freedom to inmate through 'Same Day Laya' program
  • →First Lady spearheads outreach program at New Bilibid Prisons
Unang Ginang, naghatid ng pag-asa at kalayaan sa mga PDL sa pamamagitan ng “Same Day Laya” program | eGovPH (unofficial RE:GOV concept) · RE:GOV