UnofficialOfficial site ↗Report

Agarang tulong pangkalusugan sa Dampalit: 264 Malabueño ang naabutan ng serbisyo

Special Medical and Dental Mission sa Dampalit Integrated School para sa mga naapektuhan ng usok mula sa sunog sa landfill sa Navotas — April 29, 2026

Ni-adminmalabon noong April 29, 2026, 1:14 am

Bilang tugon sa kalagayan ng mga Malabueñong naapektuhan ng usok mula sa sunog sa landfill sa Navotas, pinangunahan ng City Health Department sa pamumuno ni OIC Dr. Bernadette Bordador ang Special Medical and Dental Mission sa Dampalit Integrated School na nakapagbigay ng serbisyong medikal sa 264 indibidwal at food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa 200 pamilya.

Direktang tinutukan ni Mayor Jeannie Sandoval ang aktibidad at nagpaabot ng mensahe ng pagdamay: “Hindi po natin hihintayin na lumala pa ang epekto bago tayo umaksyon. Nandito po tayo upang mabantayan ang inyong kalusugan at maibigay ang kinakailangang tulong.”

Kabilang sa mga serbisyong inilapit sa mga residente ang libreng konsultasyon, chest x-ray, dental check-up at bunot ng ngipin, family planning, nutritional consultation, PhilHealth assistance, libreng gamot, at pamamahagi ng anti-dengue chemicals. Naghatid din ang MDRRMO ng Malabon Mobile Services tulad ng libreng laba, libreng ligo, at libreng mineral water.

Lahat ng nagparehistro ay nakatanggap din ng N95 face masks at multivitamins bilang dagdag proteksyon habang patuloy na pinapayuhan ang komunidad na mag-ingat laban sa posibleng epekto ng usok.

Patuloy na nakaantabay ang Dampalit Health Center, katuwang ang iba pang health centers ng lungsod, para sa monitoring, konsultasyon, at karagdagang tulong medikal sa mga residenteng mangangailangan, patunay na hindi natatapos sa isang araw ang serbisyong pangkalusugan para sa bawat Malabueño.

Nakiisa rin sa aktibidad sina Konsehal Payapa Ona, Gerry Bernardo, Leslie Yambao, at City Administrator Dr. Alexander Rosete.

Sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval, nananatiling prayoridad ng Pamahalaang Lungsod ang kalusugan at kaligtasan ng bawat pamilya.

#SerbisyongMayMalasakit #MalabonAhon

Mga larawan ng aktibidad

16 na larawan mula sa Special Medical and Dental Mission sa Dampalit Integrated School na nagpapakita ng konsultasyon, chest x-ray, dental services, family planning, nutritional services, pamamahagi ng gamot, N95 masks, multivitamins, food packs, at Malabon Mobile Services tulad ng libreng laba, ligo, at mineral water, kasama ang mga kawani, opisyal, at residente.

Image on the original site · transcribed
Agarang Tulong Pangkalusugan sa Dampalit: 264 Malabueño ang Naabutan ng Serbisyo | Malabon City (unofficial RE:GOV concept) · RE:GOV