Mga panunumpa sa paglilingkod
Dapat ipagpatuloy ng Lungsod ang mga pagsisikap upang mapanatili ang paglago ng ekonomiya nito, sa pamamagitan ng pagpapataas ng kita mula sa buwis at ng mga oportunidad na mapalawak ang mga bagong pamumuhunan at pag unlad sa hinaharap.
May mga bahagi pa rin ng lungsod na nangangailangan ng kultural na pangangalaga, habang binibigyang priyoridad ang mga bagong pagkukunan ng enerhiya upang makapagbigay ng sapat na suplay ng koryente, at mapanatiling balanse ang kaunlaran at pangangalaga sa kapaligiran.
Dapat pagbutihin ang sistema ng pangongolekta, paghihiwalay, at pagre-recycle ng basura. Gagamitin ang mga modernong pamamaraan na mangangalaga ng ating ekolohiya at ng kapaligiran.
Sa pamamagitan ng pagpapakilala ng malawakang transportasyon at mga daang nakabubuti sa kalikasan, ang bawat dako ng lungsod ay mararating habang binabawasan ang polusyon at bakas ng karbon sa ating komunidad.
Upang matugunan ang tumataas na pangangailangan mula sa iba't ibang antas ng pamumuhay, kinakailangan ang pabahay para sa lahat, gamit ang masinop na pamamaraan na densipikasyon na magbibigay-daan din sa paglikha ng maliliit at bukás na pampublikong espasyo.
Kahit na limitado ang lupang magagamit para sa agrikultura, ang pagtataguyod ng pagtatanim sa bakuran ay magdudulot ng seguridad sa pagkain at mas malusog na mga komunidad.
Dapat patuloy na palakasin ng lungsod ang kakayahang pang-institusyon nito para sa mas mahusay na pamamahala ng mga pinagkukunang yaman. Sa hangaring katatagang pang-ekonomiya, maingat na ibabahagi ang mga yaman at paplanuhin ang paglago para sa kaunlaran.

