I. Patakaran, Pagpaplano at Koordinasyon
(a) Tulungan ang Estado sa pagbuo, pagpapaunlad, at pagpapatupad ng pambansa at pandaigdigang mga patakaran sa kalawakan. Para dito, titiyakin ng PhilSA ang maayos na koordinasyon sa mga kaugnay na ahensya at institusyon ng pamahalaan sa pagtanggap at/o pagpapatupad ng iba't ibang international space treaties at mga prinsipyong ipinahayag ng United Nations, kabilang ang mga pandaigdigang tuntunin at pamamaraan tungkol sa Outer Space Treaty at Liability Convention, at iba pa;
(b) Planuhin, ipatupad, pamunuan, at pangasiwaan ang mga programa at proyekto na may kinalaman sa scientific space R&D at sa paggamit ng space technology;
(c) Tumanggap ng pera, securities o iba pang personal o movable property sa pamamagitan ng gift o bequest at gastusin, pangasiwaan o ipamahagi ang anumang naturang pera, securities o ari-arian alinsunod sa mga kondisyon, kung mayroon, kung saan ibinigay ang gift o bequest sa paraang higit na makapagsusulong sa mga layunin ng PhilSA;
(d) Ipatupad ang Philippine Space Policy alinsunod sa magkakaugnay at pinag-isang estratehiya para sa pagpapaunlad ng kalawakan;
(e) I-coordinate ang lahat ng space activities ng iba't ibang sektor at stakeholders sa Pilipinas, alinsunod sa mga umiiral na batas; at
(f) Magbigay ng angkop at tumpak na payo sa Pangulo ng Pilipinas at sa iba pang ahensya ng pamahalaan tungkol sa mga isyu at usaping may kinalaman sa kalawakan.
II. Pinahusay na Public Access at Pagbabahagi ng Resources
(a) Mag-develop, magtayo, bumili, mamahala, magpanatili, at magpatakbo ng mga pasilidad at sistema para sa space research, development, at operation para sa Philippine Government na magagamit ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan at iba pang stakeholders; at
(b) Tulungan ang mga departamento at iba pang ahensya ng Estado, gayundin ang pribadong sektor, sa paggamit ng SSTA at ng data/impormasyon upang makatulong sa pagtupad ng kani-kanilang mandato at tungkulin. Para dito, bubuo at ipapatupad ang PhilSA ng mga patakaran sa data management sa mga institusyon kabilang ang mga open data sharing protocol, na isinasaalang-alang ang mga kaugnay na kinakailangan sa privacy, seguridad, at technical classification. Isusulong at pagsasamahin ng mga patakarang ito ang pagbabahagi ng spaceborne information, kaalaman, at kakayahan, pagbuo ng database, at network linkages.
III. Research and Development (R&D)
(a) Magsagawa ng basic at applied R&D na may kinalaman sa SSTA sa pakikipagtulungan sa mga unibersidad, industriya, at iba pang institusyon alinsunod sa napagkasunduang mga tuntunin ng kooperasyon;
(b) Magdisenyo, mag-develop, at bumuo ng mga space system at pasilidad na kinakailangan para dito, gayundin ang magtayo, mag-launch, mag-track, at magpatakbo ng mga satellite para sa Philippine Government; at
(c) Isulong ang paglago ng space S&T sa pamamagitan ng R&D.
IV. Edukasyon at Capacity Building
(a) Magtatag ng mga programang magpapaunlad ng space education at magsusulong ng public awareness;
(b) Magbigay ng mga grant at kontribusyon bilang suporta sa mga programa o proyekto na may kinalaman sa scientific o industrial space R&D at sa paggamit ng space technology;
(c) Magbigay ng mga serbisyo at pasilidad na magagamit ng mga entity na nagsasagawa ng academic R&D na may kinalaman sa SSTA;
(d) Isulong ang pantay na oportunidad at gender equality sa mga space activities sa pamamagitan ng capacity-building at edukasyon sa science, technology, engineering, at mathematics (STEM); at
(e) Sa panahon ng transition period, ang mga pondong inilaan sa PhilSA para sa mga scholarship para sa baccalaureate at graduate degree programs sa SSTA ay maaaring pangasiwaan ng Science Education Institute of the Department of Science and Technology (DOST-SEI) at ng iba pang institusyon na may kahalintulad na mga scholarship program.
V. Pagpapaunlad ng Industriya
(a) Isulong ang pagpapaunlad ng matatag at masiglang local space industry at ekonomiya;
(b) Isulong ang paglipat at pagpapalaganap ng space technology sa buong industriya sa Pilipinas;
(c) Hikayatin ang commercial exploitation ng mga kakayahan, teknolohiya, impormasyon, pasilidad, at sistema na may kinalaman sa kalawakan;
(d) Mag-license, magbenta, o gawing available sa ibang paraan ang anumang patent, copyright, industrial design, trademark, trade secret o iba pang katulad na ari-ariang kontrolado;
(e) Ipalaganap ang resulta ng mga R&D activities at isulong ang paggamit nito, maliban kung ang impormasyon ay itinuturing na confidential para sa pambansang kapakanan at seguridad at para sa proteksyon ng mga intellectual property rights; at
(f) Hikayatin ang responsableng paggamit ng SSTAs upang isulong ang sustainable development.
VI. International Cooperation
(a) Makipagtulungan sa mga space-related agencies ng ibang mga bansa at sa mga international space organization sa mapayapang paggamit at pagpapaunlad ng kalawakan;
(b) Magpanatili ng national registry ng mga space object alinsunod sa United Nations Convention on Registration of Objects Launched into Outer Space at sa iba pang pandaigdigang guidelines. Gayundin, magbigay sa United Nations Office for Outer Space Affairs ng impormasyong nakapaloob sa National Registry of Space Objects gaya ng kinakailangan sa ilalim ng Registration Convention;
(c) Pumasok sa mga kontrata, treaty, memorandum of understanding/agreement o iba pang kasunduan para sa Estado, sa konsultasyon at koordinasyon sa Department of Foreign Affairs at/o sa iba pang mga kinauukulang ahensya na kinabibilangan ng bilateral, regional, at multilateral agreements at iba pang anyo ng international cooperation upang isulong ang pagpapaunlad ng Philippine SSTAs, itaguyod ang pagpapaunlad ng mga kaugnay at naaangkop na kakayahan sa kalawakan, at padaliin ang palitan ng kaalaman at teknolohiya sa paraang kapwa katanggap-tanggap;
(d) Magtatag at magpanatili ng mga ugnayan sa iba pang national space agencies at organisasyon; at
(e) Katawanin ang Pilipinas sa United Nations Committee on the Peaceful Use of Outer Space at sa iba pang katulad na forum, assembly, at organisasyong may kinalaman sa kalawakan, upang matiyak na ang Pilipinas ay aktibong kalahok at tagapag-ambag sa international space community.