Ang aming bisyon
Nangangarap ang PhilSA ng isang sambayanang Pilipino na pinag-uugnay, pinaunlad, at pinalalakas sa pamamagitan ng mapayapang paggamit ng kalawakan.
Ang aming misyon
Itataguyod at pananatilihin namin ang isang matatag na Philippine space ecosystem na nagdaragdag at lumilikha ng halaga sa kalawakan para sa at mula sa mga Pilipino at para sa mundo.
Tungkol sa Philippine Space Agency
Ang Philippine Space Agency (PhilSA) ang sentrong ahensya ng pamahalaan na tumutugon sa lahat ng pambansang usapin at gawain na may kinalaman sa space S&T applications. Itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 11363 o Philippine Space Act, ang PhilSA ay isang attached agency ng Office of the President para sa koordinasyon ng patakaran at programa, at upang matiyak ang pagkakaayon ng mga pambansang patakaran at prayoridad.
Ang mga sumusunod na deklarasyon ng patakaran ng Estado ang batayan ng mandato at tungkulin ng PhilSA bilang pambansang ahensya pangkalawakan:
Mga deklarasyon ng patakaran na batayan ng mandato ng PhilSA
- — Pangalagaan ang soberanya ng Pilipinas, integridad ng teritoryo, interes ng Pilipinas, at ang karapatan sa sariling pagpapasya gaya ng itinakda ng Article II, Section 7 ng 1987 Constitution;
- — Suportahan at itaguyod ang pagpapaunlad, aplikasyon at paggamit ng science and technology (S&T) na magpapatibay sa pagkamakabayan at nasyonalismo at magpapabilis sa pag-unlad ng lipunan, tulad ng pagpapaunlad ng teknolohiyang pangkalawakan at mga aplikasyon nito para sa seguridad nito at para sa kapakinabangan ng mga mamamayan nito;
- — Tiyakin ang akses sa kalawakan at sa paligid nito bilang karapatang soberano sa pagtataguyod ng pambansang seguridad tungo sa pagkamit at proteksyon ng pambansang interes;
- — Kilalanin na may agarang pangangailangan na lumikha ng magkakaugnay at pinag-isang estratehiya para sa pagpapaunlad at paggamit ng kalawakan upang makasabay sa ibang mga bansa sa larangan ng space S&T;
- — Tiyakin na ang Pilipinas ay may opisyal na kinatawan sa international space community para sa pagbuo ng mga kasunduan sa kooperasyon at ugnayan sa pagpapaunlad ng kalawakan; at
- — Tiyakin na sumusunod ang Pilipinas sa iba't ibang international space treaties at mga prinsipyong ipinahayag ng United Nations at aktibong lumalahok sa international space community, kabilang ang mga pandaigdigang tuntunin at pamamaraan tungkol sa Outer Space Treaty at Liability Convention, bukod sa iba pa.
Pamunuan
Pinamumunuan ang PhilSA ng isang Director General (DG) na may ranggo ng Cabinet Secretary at nagsisilbi rin bilang Presidential Adviser on Space Matters. Tinutulungan ang DG ng tatlong (3) Deputy Directors General na may ranggo ng Department Undersecretary.

