Detalye ng ulat
Tiniyak ng Malacañang nitong Miyerkules na nakahanda ang mga ahensya ng pamahalaan sa posibleng epekto ng Tropical Cyclone Rosal na inaasahang lalakas at magiging isang super typhoon.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nag-ugnayan na ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at naghanda ng mga kinakailangang hakbang upang matugunan ang mga panganib na maaaring idulot ng paparating na bagyo.
“Ang DSWD (Department of Social Welfare and Development), ang DPWH (Department of Public Works and Highways), ang DENR (Department of Environment and Natural Resources), lahat ng ahensiyang concerned, pati po ang DOH (Department of Health) handa po sila sa mga ganitong kondisyon at sitwasyon,” ayon kay Castro.
Batay sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang bagyong Rosal na may international name na Champi sa layong 845 kilometro silangan ng Northern Luzon.
