By: PGLU-OPVET | Photos by: PGLU-MAO | Date: October 22, 2026
Pinaiigting ng Provincial Government of La Union, katuwang ang mga component local government unit (LGUs), ang pagpapatupad ng Animal Welfare Act sa buong lalawigan upang maprotektahan ang kapakanan ng mga alagang hayop at matiyak na mananagot ang sinumang lalabag sa batas.
Patuloy ang kampanya ng lokal na pamahalaan para masiguro na nasusunod nang maayos ang mga alituntunin at nabibigyan ng agarang aksyon ang mga pang-aabuso sa mga hayop sa buong La Union.
Patunay nito ang mabilis na pagtugon ng LGU Agoo at ng Philippine National Police Agoo nitong September 30, 2026. Matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen, agad na nagtungo ang awtoridad at naaresto ang mga indibidwal na nahuli sa akto ng pagkatay ng aso.
Agad na nakipag-ugnayan ang LGU Agoo sa Office of the Provincial Veterinarian (OPVet) para alamin ang mga iba pang legal na hakbang at kaukulang kaso na maaaring isampa sa mga nahuli. Kasalukuyan silang nakakulong at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (R.A.) 8485 o The Animal Welfare Act of 1998, as amended by R.A. 10631.
Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Domingo Bobby Calub, patuloy na nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga LGU sa ganitong mga klase ng insidente.
“Patuloy ang koordinasyon ng pamahalaang panlalawigan sa mga LGU upang matiyak na maayos at naaayon sa batas ang pagresolba sa ganitong mga kaso. Binibigyang halaga dito sa probinsya ng La Union hindi lang ang buhay ng tao kundi pati ng mga hayop,” ani Dr. Calub.
Nanawagan din ang OPVet sa publiko na maging mapagmatyag at huwag mag-atubiling i-report sa awtoridad ang anumang nakikitang pang-aabuso sa mga hayop. Bukod sa paglabag sa batas, binigyang-pansin din ni Dr. Calub ang panganib sa kalusugan na dala ng pagkatay at pagkain ng karne ng aso na maaaring magdulot ng mga sakit katulad ng rabies.

