Layunin ng programa
Hindi natatapos sa isang pagkakamali ang kinabukasan ng isang bata. Sa tamang paggabay, suporta ng pamilya, at pagkakataong matuto, maaari silang makapagsimula muli at magpatuloy sa mas maayos na direksyon.
Ito ang layunin ng programang “Kabataang Malabueño: May Karapatan, May Kinabukasan, Pamilyang Kaagapay sa Bawat Hakbang” na pinangunahan ng City Social Welfare and Development Department (CSWDD), sa pamamahala ni Lorelie P. Soriano, RSW, Officer-in-Charge.
Dumalo sa programa ang 37 Children in Conflict with the Law (CICL) at 39 magulang at guardian, kasama ang mga social worker ng CSWDD, Gabay Volunteers, Technical Working Group, at mga katuwang na ahensya.
Karapatan, intervention, at graduation
Tinalakay ni Gerald U. Almoraje, RSW, Social Welfare Officer II ng CSWDD, ang Republic Act No. 9344, as amended by Republic Act No. 10630, upang higit na maunawaan ng mga kabataan at kanilang pamilya ang kanilang mga karapatan, responsibilidad, at mga prosesong kaugnay ng intervention, rehabilitation, at reintegration.
Isa sa mahahalagang bahagi ng programa ang graduation ng limang CICL na matagumpay na nakatapos ng kanilang intervention, monitoring, at after-care program. Sa tulong ng programa, ilan sa kanila ay nakabalik sa pag-aaral at nakapag-enroll sa high school at kolehiyo, habang nakatulong din ang counseling upang mapatatag ang ugnayan ng ilang kabataan sa kanilang pamilya.

